Sariling Atin Komiks
Sunday, February 26, 2006
Friday, February 24, 2006
MATAMIS ANG MANGGA
Dito tayo nagkilala sa lilim ng punong Mangga.
Walang pumipitas ng bunga nito dahil maasim at hindi maganda sa tingin.
Dito mo ipinagkatiwala sa akin ang iyong unang pag-ibig
at dito ko rin inukit ang sumpang mamahalin kita hanggang magpakailanman.
Naging tapat tayo sa isa't isa at naging saksi ang punong Manggang ito sa ating wagas na pagmamahalan.
Simula noon, maraming pag-ani na ang dumaan at ngayon ay tila lalong tumatamis at gumaganda ang bunga.
Ang matamis na pagmamahalan pala ay madaling makahawa- sa lahat ng nilalang,
katunayan ay maging sa......... Mangga.
Thursday, February 16, 2006
MASAGANA ANG ANI
Kay sarap nang mabuhay na kapiling ang minamahal, At ang bukid ay tigib sa kasaganaan na biyaya ng Maykapal. Kay sarap awitin ang Kundimang nagpatibok sa pusong pihikan at ang alaala ng unang halik na nagpasimula ng magandang kabanata sa pagsasamahan. Diyos naming minamahal, marami pong salamat sa mga biyayang aming tinatanggap at lagi po ninyo kaming patnubayan sa lahat ng aming gagawin ngayon at magpakailanman. Amen
GISING NA MAHAL
Mabigat at mahirap ang gawain sa bukid,
pawis at uhaw ang nadarama dahil sa init.
Sa tanghaling tapat ay gutom naman ang mararamdaman
at sa lilim ng mayabong na punong kahoy nakakapag-pahinga
habang hinihintay ang masarap na tanghalian na dala at niluto ni misis.
Sa sandaling ginhawang nadama ay tuluyan nang naidlip ang isipan
at napanaginipan ang masasayang araw ng kanilang pagmamahalan...
Ang tawanan, tuksuhan at tampuhan na di nagtatagal at sinasalitan ng suyuan.
Ang matahimik na pagtulog na pinipukaw lagi ng malabing na: " Gising na, Mahal.....nandito na ako."
GUDTAYM
Wala nang sasarap pa siguro sa pagkatapos ng isang masaganang pananghalian,
ang pagtungga ng Lambanog sa ilalim ng isang mayabong na punong kahoy.
Tahimik ang paligid maliban sa paghuni ng mga ibon at lagaslas ng mga dahon sa ihip ng hanging amihan.
Hehehe...Malayo sa asawa at mga obligasyones sa bukid at bahay.
Haaayyyy...kung laging ganito sana, kay sarap mabuhay sa Mundong ibabaw!
( Sarap nga, huwag nga lang sana na ibuking ng batang hinabol mo kanina dahil nire-raid na naman ang iyong Bayabasan.)